Thursday, July 15, 2010

Buhay Middle East

Hindi init ng panahon ang kikitil sa kagustuhan nating magtrabaho sa Middle East at maiangat ang antas ng buhay ng ating pamilya sa Perlas ng Silangan.”---bogs

Sabi ko sa mga kaibigan ko, “mahilig lang akong magbasa at wala akong panahong magsulat”. But writing was once became an ardor and passion to me. Minsan na akong nagtangkang lumikha ng mga akda subalit nauuwi lang lahat sa wala. Namamatay. Nalilimutan. Walang saysay. Subok-subok lang. Walang matibay na pundasyon. Walang patutunguhan. Ang resulta---kamatayan---kamatayan ng mga akdang sinubok sulatin ng walang kahulugan. Hungkag. Walang laman.

Binibilang ko ang bawat segundo ng yugto ng aking buhay dito sa Middle East. Ilang taon na rin pala. Inaaliw ang pusong naghahanap ng kalinga ng sariling pamilya. Maraming kaibigan ang aking nakasalamuha. Kasabay nila’y binabagtas ko rin ang kakaibang antas ng init dito sa Gitnang Silangan. Iba-ibang kwento. May masaya. May nasusugatan. May tuwa. May luha.

Si Rexie. Mahigit apatnapung taong gulang na. Matalino. Madiskarte. Matapang. Ina. Nilisan ang bayang sinilangan upang hanapin ang kapalaran sa UAE. Iniwan ang asawa at dalawang anak bitbit ang pag-asang makaahon sa kahirapan. Baon ang determinasyon at pananampalataya sa Diyos, nabiyayaan ng maayos na trabaho. Hindi naging madali ang mga pinagdaanan. May kulay ng sakripisyo ang bawat daang binagtas. Mahirap ngunit hindi sumusuko.

Si Glenda. Isang lady driver. Isang OFW sa UAE. Isang ina. Nagpumilit makipagsapalaran sa ibang bayan at pinasok ang kakaibang linya ng trabaho upang siguraduhin ang magandang kinabukasan ng anak at pamilya. Pawis. Alikabok. Pagod. Uhaw. Gutom. Isang robot na sunud-sunuran sa amo. Walang choice. Kailangang magsakripisyo. Mahirap ngunit hindi sumusuko.


Si Sheng. Larawan ng isang simpleng may bahay sa Dubai. Simbolo ng isang mahusay na empleyado. Mabuting kaibigan. Certified blogger. May himig ng pag-anyaya ang bawat kwentong isinusulat. Payak ngunit interesante. Nagbibigay inspirasyon sa mga mambabasa. Nagbibigay kulay sa bawat araw ng bawat tao. Hindi madali. Nangagailangan ng matinding konsentrasyon at inspirasyon. Mahirap ngunit hindi sumusuko.


Si Ruben. Isang construction worker sa Qatar. Nagtatrabaho sa gitna ng makamandag na init ng disyerto. Baon ang ala-ala ng mga anak at asawa. Larawan ng isang mabuti at responsableng ama. Kahanga-hangang Pinoy. Tinitiis ang pagod at hirap dulot ng mabigat at hindi pangkaraniwang trabaho. Mahirap ngunit hindi sumusuko.


Si Allan. Mahigit bente ang edad. Panganay sa dalawang magkapatid. Isang computer engineer. Gumawa ng paraang makapag-visit visa ang kasintahan upang makahanap ang huli ng maayos na trabaho para sa pamilya. Isang regular na empleyado na may regular na sweldo. Hindi biro ang gastos. Bahay. Pagkain. Pamasahe. Ibang personal na pinagkakagastusan. Nangangarap ng mas maayos na buhay ngunit walang humpay na pagtitiis ang puhunan. Mahirap ngunit hindi sumusuko.


Si Maricel. Isang kasambahay. Mga nasa edad trenta. Mahigpit ang amo. Bawal ang cellphone. Bawal ang anumang komunikasyon sa pamilya sa loob ng isang buong kontrata. Malungkot. Mahirap. Pagod ang katawan. Pagod ang puso at isip. Bitbit ang pag-asang muling makakabalik sa bayang sinilangan. Mahirap ngunit hindi sumusuko.

Si Bogs. Kasalukuyang nakikipagsapalaran sa mundo ng kawalan. Natutong magsulat at iguhit ang kwento ng mga OFWs---mga kwentong hindi lamang bukambibig, hindi lamang dapat marinig ng dalawang tenga---dapat marinig din ng puso. Unti-unti na niyang nauulinigan ang mga istoryang ito. Tumatawag. Tinutukso upang isambulat ito sa mga taong hilaw sa kamalayang bayaning dapat ituring ang mga OFWs. Naniniwalang ang anumang kanyang naririnig ngayon---ay maririnig din ng iba. Mahirap ngunit hindi sumusuko.

Marami pang tulad nila ang may sari-sariling kwento ng buhay dito sa Middle East. Iba-iba. Minsan pare-pareho at magkakatulad. Ngunit, isa lang ang nais ipahiwatig ng anumang kwento ng bawat isa. Mahirap ang buhay sa Pilipinas. May trabaho ngunit hindi sapat. May sweldo ngunit kulang. Kumikita ngunit salat pa rin. Kung ikaw ay isang ina, ama, kapatid o kung ano pa man, masisikmura mo bang makita ang hinagpis at durot na pamumuhay ng iyong pamilya? Matibay na halimbawa ang mga buhay na saksi dito sa Middle East. Nakikipagsapalaran sa gitna ng nagliliyab na disyerto. Nagtitiis na hindi makita at makasama ang pamilya sa matagal na panahon sa pag-asang sa huli, ay muling magkakasama-sama sa mas maayos na antas ng pamumuhay. Mahal natin sila at kaylanman, “hindi init ng panahon ang kikitil sa kagustuhan nating magtrabaho sa Middle East at maiangat ang buhay ng ating pamilya sa Perlas ng Silangan.” Sabi nga ng isang premiyadong aktor sa isang de-kalibreng pelikula—ang Pinoy, saan mo man dalhin sa mundo—the best ‘yan, the best talaga!

7 comments:

  1. galing mo bogs, kahangahanga ka talaga na kaibigan, small but terrible. Naiiyak ako sa sulat mo, gawan mo rin ako talambuhay ah.

    ReplyDelete
  2. thanks ate anne...sige ba ikuwento mo muna sa akin talambuhay mo tapos ako ng bahala magsalaysay...hehehe..thanks po ulit at na-enjoy nyu ang blogs ko..GOD Bless!

    ReplyDelete
  3. Bogs, isulat mo rin istorya ko. :)

    Serious... Alam kong maraming tulad nyo na anlaki ng sinasakripisyo para sa pamilya. Ire-repost ko to sa blog ko para i-promote ka. Malay mo pag maraming hits itong blog mo, mag offer ng advertisements ang mga Ad agencies, pag may pera ka na, magtayo ka ng foundation okay. :P

    Konting tiis pa, para sa buong tribo. Hehe..

    I am proud of you. May blog ako pero I never talked about anything like this. Hats off!

    ReplyDelete
  4. Thanks Bogs for this one...tama nakakaiyak, lalo na isa ka sa pinag-aalayan ng sacrifice...It made me feel so lucky and overwhelm to have him...ang saya at ipinagmamalaki nya sakin yan lan mo ba???continue and dito lang kami bogs to support....keep it up...

    ReplyDelete
  5. super touch naman ako sa mga kwento ng mga kasamahan nating OFW..kasama na ako...super true talaga ang sacrifices natin bilang ofw...ingat ka palagi ha....GOD BLESS and more power on ur blogs...

    ReplyDelete
  6. thank you thank you po sa lahat ng nakaka-appreciate...it means so much to me..it inspires me a lot to continue what I'm doing right now..take care you all!!!GOD Bless...

    ReplyDelete
  7. Oi Kuya natuwa nman ako sa sinabi mo tungkol sakin...salamat:)

    ReplyDelete